Monday, August 28, 2017
WARNING: Online scammer, gumagamit ng private message sa pag-hack ng social media account
Ingat tayo sa mga PM, PM sa Facebook pwede pala ma-hack ang account mo! Ilang netizen ang nabiktima ng online scammer para mang-hack ng social media account gamit ang private message na kunwaring may "sex video scandal" ang kanilang tatargetin.
Sa ulat ni Joseph Morong sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, ikinuwento ni Freshelle Fernandez kung papaano na-hack ang kaniyang Facebook account nang matanggap ang mensahe sa messenger mula sa isang kakilala, na una na palang na-hack ang account.
Sabi ni Freshelle nagpadala ng mensahe ang kaniyang friend sa messenger tungkol daw sa kaniyang private video at may kasamang "link."
Dahil may agam-agam, pinindot niya (click) ang "link" at dito ay pinag-log-in siya. Inilagay niya ang password sa account at doon na naagaw ang kaniyang Facebook account.
"Napakagaling na po yung technology ngayon. Kayang- kaya pong iedit gamit yung mukha ko kaya po natakot ako tsaka kinabahan. Kasi kahit po hindi ako yung nasa video, kung pangalan ko po yung gamit, iisipin po ng mga tao na ako 'yun," paliwanag ni Fernandez.
Ginamit na rin ng hacker ang kaniyang account para makapanloko ng mga taong nasa friend list niya at kunwaring nag-aalok ng mamahaling cellphone.
Ayon sa I.T. expert na si Jerry Liao, ang nangyari kay Fernandez ay isang uri ng online scam na tinatawag na "phishing scam."
"Basically 'pag nag-enter ka ng username at password, mapupunta yun dun sa cybercriminal, then of course nakarecord 'yon, they can use your log-in information into your website or to your account, Facebook account. So puwede na nilang gawin kung anong gusto nilang gawin sa account mo," paliwanag ni Liao.
Matapos mag-viral ang kuwento ni Fernandez, nagsilabasan na rin ang iba pang nagkuwento na nakaranas ng kahalintulad na modus operandi ng panloloko sa Facebook.
Sa record ng PNP-Anti-cybercrime Group, apat lang ang kaso ng "phishing scam" sa halos 4,600 cyber crime cases mula 2013 hanggang nitong Hunyo.
Ngunit hindi raw ibig sabihin nito na madalang ang naturang uri ng panloloko. Sa halip, madalas daw nauuwi ang "phishing scam" sa mas malalang krimen.
"Ang pagrereport kasi nila dito, yung secondary offense na na-commit ng offender after committing the offense of phishing, like online scam and sextortion cases. Dapat na agad-agad sila na mag-report lalong-lalo na dito sa aming opisina," ayon kay Police Senior Inspector Artemio Cinco, PIO, PNP Anti-Cybercrime Group.
Upang hindi mabiktima ng "phishing scam," ipinayo ni Liao na laging maging mapanuri at magduda lalo na kung humihingi ng mga personal na impormasyon tulad ng mga bank account at password.
Huwag din umanong maniwala kaagad sa mga natatanggap na mensahe lalo na sa mga hindi kakilala. At kung kakilala ang nagpadala ng mensahe at humihingi rin ng sensitibong mga impormasyon, makabubuting kontakin muna ang mga ito para makumpirma kung sa kanila talaga galing ang ipinadalang mensahe. -- Source GMA News
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment